‘Pambili ng maintenance at gatas!’ dito madalas napupunta ang ayudang natatanggap ng mga Lolo at Lola na benepisyaryo ng Social Pension ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Isa sa mga benepisyaryo ng Social Pension ang 72-anyos na si Lola Esperanza Dela Cruz mula Brgy. City Heights, General Santos.
Apat na taon na itong benepisyaryo ng Social Pension program kaya naman ‘blessing’ o biyaya para sa kanya sa tuwing nakakatanggap ito ng ayuda.
“Maraming salamat DSWD dahil tuloy-tuloy ang inyong pamamahagi para sa aming mga senior citizen. Ipambibili ko ito ng aking maintenance at para sa pang-konsumong gatas.”
Mahigit 11,000 senior citizen sa Gensan ang nakatanggap na ng 1st hanggang 2nd quarter ng kanilang Social Pension.
Bukas aasahang magtatapos ang payout sa Gensan kung saan target mabigyan ang nasa 13,376 senior citizen sa 26 barangay ng naturang lungsod.
Bukod sa Gensan, nagsagawa rin ng payout ngayong linggo sa bayan ng Pikit, Ninoy Aquino at Maitum, Sarangani Province.
Samantala, sunod namang pupuntahan ng kawani ng DSWD XII sa susunod na linggo ang mga senior citizen sa Matalam, North Cotabato.
Aabot sa 264,358 ang bilang ng benepisyaryo ng Social Pension sa SOCCSKSARGEN Region.
P500 pa rin kada buwan ang subsidiyang natatanggap ng mga Lolo at Lola na ipinamamahagi sa kanila kada tatlong buwan o P1,500 kada quarter. Alinsunod pa rin ito sa implementasyon ng Republic Act 9994 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010. (Jerry Dumdum and Jonas Andrade/ DSWD XII)