GENERAL SANTOS CITY – Nagsagawa ng cash for work (CFW) payout ang Department of Social Welfare and Development Field Office XII sa ilalim ng Kapit Bisig Laban sa Kahirapan Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI CIDSS) sa 127 na Persons with Disabilities na benepisyaryo ng programa.
Inisyatibo ng KALAHI CIDSS ang CFW para magkaroon ng dagdag oportunidad at pagkakaabalahan ang mga sektor ng PWDs sa pamamagitan ng pagtatanim ng puno, paglilinis ng kanal o paglinis ng kalsada.
Ang 52-anyos na si Along Fabiana, may isang anak ay nagtrabaho bilang sweeper. Kwento niya “ipinanganak akong putol ang dalawang mga kamay gayunman hindi naging hadlang ang kapansanan para buhayin ang aking pamilya.”
“Kung ikukumpara mo yung bagay o parte ng katawan na wala ka sa iba maaawa ka talaga pero kung pagtutuunan mo ng pansin ang iyong sarili at kakayahan, madidiskubre mong marami kang kayang gawin”, wika ni Fabiana.
Nakatanggap sya ng ₱4,030 sa 10 araw na pagwawalis sa kalsada ng kanilang barangay.
Sumatotal ₱511,810.00 ang ibinahagi sa mga benepisyaryo sa Gensan. Maliban sa Gensan, nakatanggap rin ang mga benepisyaryo mula sa Koronadal, Kalamansig, Lebak, Midsayap, Pres. Quirino, Polomolok, Lake Sebu at Surallah ng kanilang sahod sa isinagawang sabayang pay-out noong Mayo 23-24.
#MagKALAHITayoPilipinas
#BawatBuhayMahalagasaDSWD