Koronadal City – Sa pagdiriwang ng ika-74 na anibersaryo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), isinagawa ng Field Office XII ang isang makulay at masiglang Fun Run at Zumba ngayong araw, January 30, bilang bahagi ng selebrasyon.
Ang aktibidad ay nilahukan ng apat na makukulay na kupunan na kumakatawan sa mga prinsipyo ng DSWD: ang Green Malasakit, Blue Kalinga, Yellow Bayanihan, at Red Kaagapay.
Sinimulan ang araw sa isang makulay na Fun Run na nagbigay sigla sa mga kalahok mula sa iba’t ibang programa at probinsya ng Field Office XII. Matapos ang Fun Run, nagtipon-tipon ang lahat para sa isang masiglang Zumba session na naghatid ng saya at pagkakaisa sa bawat isa.
Ayon kay DSWD XII Director Lorero Cabaya Jr., ang selebrasyong ito ay sumasalamin sa dedikasyon ng ahensya hindi lamang sa pagbibigay-serbisyo sa mga mahihirap at bulnerableng sektor, kundi pati na rin sa pagpapahalaga sa kalusugan at kagalingan ng mga kawani nito.
“Sa loob ng 74 na taon, nananatiling matatag ang DSWD sa pagtupad ng ating mandato na maghatid ng maagap at mapagkalingang serbisyo sa bawat Pilipino. Ang selebrasyong ito ay hindi lamang tungkol sa ating mga nakamit kundi pati na rin sa pagkilala sa dedikasyon ng ating mga kawani,” ani Director Cabaya.
Ang pagdiriwang ng DSWD Field Office XII ay nagpapatuloy bilang bahagi ng paggunita sa mahigit pitong dekadang paglilingkod sa bawat pamilyang Pilipino.
#DSWD74thAnniversary
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD