AMAS, KIDAPAWAN CITY | ISA-ISANG ibinigay ng Department of Social Welfare and Development XII ang P300,000 na Livelihood Grants sa 49 na Sustainable Livelihood Program Associations (SLPAs) ngayong araw, Enero 24.
Pinangunahan mismo ni DSWD XII Director Loreto Jr. V. Cabaya ang ceremonial awarding na isinagawa sa provincial capitol kasama si Cotabato Provincial Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza.
Binigyang-diin ni Director Cabaya ang magandang relasyon ng ahensya at ng provincial government para maraming kababayan ang mabigyan ng tulong-pangkabuhayan.
“With the good relationship of the government, mas marami tayong nabibigyan ng tulong at natutulungan”, saad ni Director Cabaya.
Nagpapasalamat naman si Gov. Mendoza sa DSWD XII dahil patuloy ang pagpapalaganap ng programa at serbisyo ng gobyerno kahit sa malalayong barangay.
Ang mga nakatanggap ay benepisyaryo ng PAMANA o Payapa at Masaganang Pamayanan, na isa sa nga programa ng Kagawaran para sa conflict-vulnerable areas (CVA) at maipatuloy ang peace-building sa lugar na may presensya ng rebeldeng grupo.
Hamon ngayon ni Director Cabaya na mapalago nila ang negosyo na kanilang sisimulan.
General Merchandising at Agriculture-related enterprise ang kadalasang napili ng mga benepisyaryo.
Nagmula ang mga SLPA sa malalayong barangay sa 11 munisipyo ng probinsya tulad ng Alamada, Aleosan, Antipas, Arakan, Kidapawan, Magpet, Makilala, M’lang, Pigcawayan, President Roxas at Tulunan. (PLV/SMO)