Sa panahon ng mga kalamidad o sakuna, ang pag-asa ay gumaganap bilang isang mahalagang papel sa pagtulong sa mga tao na makayanan at malampasan ang kahirapan. Ito ang paniniwala na darating ang mas magagandang araw, at maaari itong magbigay ng inspirasyon, katatagan at determinasyon na tiisin ang mahihirap na kalagayan.
Isa ang Maguindanao Del Sur sa mga probinsya na malubhang naapektuhan ng kalamidad noong tumama ang bagyong Paeng sa rehiyon dose. Matinding hirap ang dinanas ng mga residente rito ngunit tila kakaiba ang naging pagtanggap nila sa nangyaring sakuna.
Ngiti ng pag-asa ang nadatnan ng mga kawani ng Department of Social Welfare and Development kasama ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Officer na si Ameer Jehad A. Ambolodto, nang kanilang bisitahin ang mga ito upang simulan ang monitoring at evaluation ng Cash-for-Work sa ilalim ng Disaster Response Management Division.
Hindi maipapaliban na maramdaman ang sabik at saya ng mahigit kumulang 30,000 na benepisyaryo ng Cash-for-Work sa 11 na munisipyo ng Maguindanao Del Sur. P10.4M ang nakalaan para sa aktibidades na ito ng DRMD at makakatanggap ang mga benepisyaryo ng P341 kada araw o P3,410 para sa sampung araw na pagtatrabaho. Ang mga aktibidades ay nauukol sa rehabilitasyon ng mga naging epekto ng bagyo sa kani-kanilang barangay gaya ng paglinis ng mga baradong kanal, paggawa ng mga irigasyon na daluyan ng tubig ulan sa tuwing malakas ang ulan, paglilinis ng mga ilog at iba pa.
Patuloy ang sampung araw na implementasyon ng Cash-for-Work sa naturang probinsya at patuloy ang monitoring ng mga kawani ng ahensya upang makasiguradong maayos ang buong aktibidades at patuloy ang pag-asa ng mga mamamayan na bumangon para sa mas maayos na kinabukasan. (DGB-IO)
Para sa Maagap at Mapagkalingang Serbisyo!