General Santos City – Sa isang mahalagang hakbang tungo sa pagpapalakas ng kahandaan at tugon sa kalamidad, nagkaisa ang DSWD XII at ang Local Government Unit – Gensan para sa kasunduan ng relief prepositioning sa naturang lungsod.
Isinagawa ang paglagda ng relief prepositioning agreement ngayong araw, ika-10 ng Agosto sa Gensan City Mayor’s Office.
Dumalo sa naturang ceremonial signing si DSWD XII Director Loreto Jr. Cabaya, Gensan City Mayor Lorelie Pacquiao, DRMD Chief Naira Aratuc at iba pang kawani ng DSWD XII.
Ayon kay Mayor Pacquiao, isa ang Gensan sa may maraming naitatalang kalamidad gaya ng baha at sunog kung kaya dahil sa kasunduang ito, makapagbibigay ng agarang tulong sa mga apektadong pamilya.
“Mas mapapabilis at mapapadali ang mga pagsisikap na pagbibigay ng tulong sa panahon ng krisis at likas na kalamidad dahil sa ating kolaborasyon gaya nitong relief prepositioning” saad ni Mayor Pacquiao.
Ayon naman kay Director Cabaya, sa tulong ng kasunduang ito, ang mga residente ng Lungsod ng Heneral Santos ay maaaring maging tiwala na nagtutulungan ang kanilang lokal na pamahalaan at ang opisina ng DSWD12 upang palakasin ang kahandaan ng komunidad at pangalagaan ang kanilang kapakanan.
Ang relief prepositioning agreement ay patunay na ang DSWD XII at LGU-Gensan ay may dedikasyon na itaguyod ang mas ligtas at mas panatag na kinabukasan para sa lahat. (JDD & DGB, DSWD XII)